"Nay! Gusto ko na po umalis dito" pamimilit niya sa kanyang inay. "Anak, gustuhin ko mang palabasin ka ngunit hindi pa magari, baka ikapahamak mo lamang" sabi ng kanyang ina. "Tay! Palabasin na po ninyo ako, gusto ko nap o makalipad at makipaglaro sa mga batang paruparo" dugtong pa ng batang paruparo. Walang nagawa ang batang paruparo kundi ang tumigil sa pamimilit sa kanyang magulang. Sumunod na araw ay inabangan ng batang paruparo ang pag-alis ng kanyang mga magulang. Nagmanman siya sa labas sa pamamagitan ng kanyang pandinig. Maayos ang kanyang pagkakadikit sa kanyang kanang tainga sa bahay nito upang marinig niya ang pag-alis ng kanyang mga magulang. Nang makaalis ang kanyang magulang ay marahan siyang gumalaw sa loob ng kanyang bahay kahit masikip. Nilakasan nito. Binilisan niya ang pagyugyog hanggang sa lumuwag ang kapit ng bahay nito sa sanga. Habang tumatagal ay humihina ang kapit ng bahay niya sa sanga at di niya namalayang nahulog ito sa lupa, na walang damo at halaman. Malakas ang kanyang pagkahulog. Matagal din siyang hindi nakagalaw. Ramdam niya ang paghampas ng kanyang pupa sa mga bato. Nasaktan ang batang paruparo, ngunit sa kabila ng nangyari ay nagtagumpay siyang mabuksan ang pupa nito. Binilisan niyang ilantad ang kanyang mga pakpak ngunit hindi niya ito maigalaw dahil sa pagkakahampas nito sa bato. Hindi rin siya nakakatayo dahil sa bali na kanyang natamo.